Reynaldo "Renaldo Lapuz" Lapuz, kumusta ang Reno, Nevada? Balita ko ay nars ka raw diyan? OK naman ba? (Ang sabi dito ay janitor ka raw: http://showbizandstyle.inquirer.net/entertainment/entertainment/view/20080127-115063/Renaldo-Lapuz-unplugged)
Hindi naman masamang mangarap, 'di ba? Alam mo, mabuti na rin at nag-audition ka sa American Idol. Sa edad mo kasi, maraming magrereject sa iyo. Pero alam mo naman sa American Idol, basta ba alam nilang hindi ka boring sa telebisyon e ipapasok ka nila sa audition room kahit ilang minuto lang.
Salamat at gumawa ka ng kanta na ang pamagat ay "We're Brothers Forever." Kahit hindi ka singgaling kumanta ng mga propesyonal na mang-aawit, ang mahalaga naman kasi ay kung may impact ka e, kung nakakaapekto ka ng tao. Hindi lahat ng magaling kumanta ay may karisma gaya mo.
Pareng Reynaldo, ang ganda ng kanta mo. Tungkol ito sa kapatiran, hindi ba? Ang mensahe ng kanta mo ay nakapagbibigay inspirasyon. May ikukuwento ako sa iyo. Nung isang araw, nagkaroon ako ng hindi pagkakaunawaan ng kuya ko. Mayroon siyang hinihiling sa akin pero hindi ko siya pinagbigyan. Sa palagay ko ay nagtampo siya sa akin.
Kanina lang ay umalis na siya ng bahay. Dala niya ang kanyang bagahe. Babalik na siya ng Saudi para magtrabaho. Isang buwan sa isang taon ko na lamang siya nakikita. Kung dati ay nakuha niya akong yakapin bago siya umalis, kanina hindi. Siguro galit pa siya sa akin. Nakakalungkot.
Gaya ng isinulat mong kanta, kuya ko siya, at siya ang kuya ko habambuhay. Hindi iyon magbabago.
Salamat, Kuya Reynaldo. Tinawag na rin kitang kuya kasi mas matanda ka sa akin.